Lunes, Agosto 31, 2015

Lakbay Aral (Si Rizal sa Maynila)



Dr. Jose Rizal               
Kilala mo ba siya ?


Gaano nga ba natin kakilala ang ating pambansang bayani ?
Paano natin siya kinikilala ? 
Sa mga naririnig sa mga kwento-kwento ?


Sa turo ng ating mga guro ? o 'di kaya naman ay sa mga napapanuod natin sa mga pelikula na may kanya kanyang tema o bersyon ng pagpapakilala sakanya ?


Nakakalungkot isipin na  marami sa atin sa ngayon ay salat sa kaalaman tungkol kay Dr.Jose Rizal, na ang tanging alam lamang ay isa siyang pambansang bayani ng ating bansa at nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan.

Nagkaroon kami ng isang paglalakbay-aral sa lungsod ng Maynila, kasama ang aking mga kamag-aral. Na ang aming layunin ay puntahan ang mga lugar na konektado sa buhay ni Rizal at makilala pa namin siya ng lubusan.

  • Luneta Park O Rizal Park
Ang una naming pinuntahan sa aming lakbay-aral, ay ang Luneta Park o Rizal Park. Sino ba naman ang hindi makakakila sa pinaka tanyag na parke sa Pilipinas na pinapasyalan din ng mga torista kapag sinabing Rizal.

Ang lugar na ito ay hindi lamang isang ordinaryong parke, sapagkat dito nakalagay ang mga labi ni Rizal. Ito ay nakalagay sa ilalim ng kanyang monumento, kaya ganun na lamang ito nirerespeto. Hindi ka basta basta makakalapit ng husto sa kanyang monumento, ito ay may limitadong layo lamang na ito'y masisilayan mo. May nakatalaga ring mga gwardya na nagbabantay buong araw rito.

Ito ay isa lamang sa kabuuhang bahagi ng parke. Matatagpuan mo din rito ang mga rebuldo ng iba pang mga magigiting na bayani na nagbuwis ng kanilang buhay. Nandito din nakatayo ang napakalaking rebulto ni Lapu-Lapu.

Ang parke ay ibang-iba noon kaysa sa kasalukuyang panahon. Ito ay nilapatan na ng mga modernong desinyo, ngunit hindi padin nawawala ang mga kwento ng kasaysayan ng ating bansa sa bawat rebulto na nakatayo dito at sa monumento ng ating pambansang bayani.


  • Fort Santiago
Fort Santiago, ito ay matatagpuan sa loob ng Intramuros. Ang Intramuros ay naging opisyal na lugar na kung saan nakatayo ang tanggapan ng pamahalaan sa panahon ng mga kastila.






Namangha ako noong una ko 'tong makita, parang pakiramdam mo ay binabalik ka sa nakaraan. Nasabi ko na parang ako ay bumalik sa nakaraan dahil sa mga desinyo ng mga gusali na talaga namang nakakamanghang tingnan. Ibang iba sa mga gusali ngayon. Makikita rin dito ang mga gamit pandigma ng mga kastila noong unang panahon. Sulit ang aming paglalakad ng malayo mula Luneta ng marating namin ang Fort Santiago.


Dito rin makikita sa loob ng Fort Santigo ang makasaysayang piitan ni Rizal,na nakulong noong 1896 sa kamay ng mga kastila. Sa loob ng piitan ay mayroong estatwang Rizal na ginawa mula sa aktwal niyang laki at taas.


Huling mga yapak ni Rizal
Makikita rin dito ang aktwal na yapak ni Rizal na gawa sa metal, ito ang kanyang mga huling yapak sa araw ng kanyang kamatayan.





  • Dating kinatatayuan ng Ateneo Municipal De Manila
Ang eskwelahan na ito ay isa sa mga pinakatanyag na eskelahan noong mga panahong iyon at magpasahanggang ngayon. Minsan na rin naging estudyante si Rizal sa nasabing eskwelahan noong 1872 hanggang taong 1877. Hindi madali ang pagpasok rito ni Rizal sapagkat nakatanggap siya ng mga diskriminasyon na siyang naging dahilan upang hindi siya tanggapin nung una, ngunit dahil sa tulong ng pamangkin ni Padre burgos na si Manuel Burgos ay nakapasok siya sa unibersidad. 

Kumuha siya ng kursong Bachelor Of Arts Degree. Dito nagpamalas si Rizal ng katalinuhan, nakatanggap siya ng madaming parangal mula sa husay nito sa pagsulat at pag-ukit. Tunay ngang matatawag natin siyang isang henyo.


Nakadama ako ng kalungkuutan, sapagkat noong hinahanap namin ang lugar na ito buong akala ko makikita ko mismo ang lumang gusali ng Unibersidad ng Ateneo. 'Yun pala ay hindi na, dahil ito ay nasunog na noong 1932. Samakatuwid ang hinahanap lang pala namin ay ang eksaktong lugar na kinatatayuan nito. Hindi madali mahanap ang lugar na ito  at nagpaikot-ikot kami sa loob Intramuros.


  • Dating kinatatayuan ng Unibersidad ng Sto.Tomas
Mula sa dating Ateneo, sunod naman naming hinanap ang pangalawang pinasukan ni Rizal. Ito ay ang UST. Hindi ito naging madaling hanapin para sa amin. Kahit ang mga gwardya at mga taong taga-roon mismo ay hindi alam ang eksaktong lugar na aming hinahanap. Ang nakapagturo sa amin ng tamang lugar kung nasaan nakatayo ang historical marker ay isang tindero ng damit.

Nag aral si Rizal sa UST mula 1882 hanggang taong 1887 at kumuha ng kursong pilosopiya.Hindi naging madali ang pag-aaral dito ni Rizal, dahil nakaramdam siya ng pagmamataas ng mga espanyol, binababa ang kanyang pagkatao at tinatawag na isang Indio. Sa huling taon niya sa unibersidad ay kumuha siya ng kursong medisina at nakapagtapos.


Katulad nga ng unibersidad ng Ateneo ay hindi ko na rin nasilayan ang unibersidad ng Sto.Tomas. Itong mga unibersidad na ito ang nagbigay ng kaalaman at kahusayan sa ating pambansang bayani.



  • Dating Pinaglitisan kay Dr. Jose Rizal
Ito na ata ang masasabi kong napakahirap hanapin sa lahat ng lugar na aming pinuntahan noong kami ay naglalakbay-aral. Wala kasing makikitang historical marker sa lugar na magsasabing ito na ang aming hinahanap. Ito 'yung nakakatuwang parte ng aming paglalakbay, kasi ilang beses na naming dinaanan o nadaanan ang lugar na ito. Mabuti  nalamang at dumating ang aming isang kaklase na nauna na sa aming matapos ang lakbay-aral na aming ginagawa. Siya ang nagturo sa amin ng lugar, at nung marating na namin ito ay nagtawanan na kaming lahat sapagkat ilang beses na kaming pabalik balik sa nasabing lugar. Nagpapasalamat din kami sa mga taong aming napagtanungan.




Dito unang nilitis si rizal. Hinuli siya at napagbintangang kasapi ng isang rebolusyonaryong samahan na lumalaban sa pamahalaang kastila.




  •  Pambansang Museo ng Pilipinas (GALLERY V)
Ang Pambansang Museo ng Pilipinas ay isang matatawag na tahanan ng mga likhang sining ng mga mahuhusay na Pilipino, na nakilala dahil sa kanilang mga obra at nagbigay karangalan sa ating bansa. Kasama sa mga Pilipinong ito ay si Dr. Jose Rizal.














GALLERY V

Sa Gallery V sa loob ng museo makikita ang iba't-ibang obra na nagawa mismo ni Rizal. At ang iba naman ay mga obrang patungkol sa kanyang buhay.

Nararapat lamang na ito ay ingatan,sapagkat ang mga ito ay hindi lamang basta isang obra ng isang ordinaryong tao. Ito'y gawa o likha ng ating pambansang bayani. Kasabay ng mga obra na ito ang pagsalamin sa kasaysayan ng ng ating bansa.


Pinakita dito ni Rizal ang kanyang mga kakayahan, na hindi lamang siya magaling sa larangan ng agham. Maging sa sining man ay napakahusay niya.




Bago namin nilisan ang museo, hindi namin pinalagpas ang likha ng isang Pilipinong pintor na si Juan Luna. Ang "Spolarium". Nakilala ang obra niya na ito hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo na nakatanggap ng maraming parangal.



  • Dating kinatatayuan ng bahay ni Higino Francisco sa Binondo
Noong araw na mamatay si Rizal, itinago dito ang kanyang bangkay matapos ilibing sa Paco Cementery upang mapangalagaan ng kanyang pamilya. Sapagkat sa mga panahong iyon madaming tao ang humahanga kay Rizal at pinaniniwalaang maaaring kunin ang kanyang katawan o labi upang sambahin ng mga tao.

Si Higino Francisco ay isang taga hanga ni Rizal dahil sa pag tatanggol nito sa bayan.

Ang posteng nakikita niyo sa larawan na nasa aking likukaran ay mismong kinatatayuan ng bahay ni Higino Francisco. Nakakalungkot isipin na dahil sa modernong panahon, pati ang ating mga historical places na gaya nito ay nasisira lamang. Hindi ko masyadong dama ang kung anong kasaysayan ang nabuo sa lugar na 'yun. Ikaw ba naman inaasahan mong makita ang isang lumang bahay pero ang nadatnan mo ay isa na lumang poste, matutuwa ka kaya ?



  •  Paco Cemetery
Dito inilibing ang bangkay ni Rizal matapos na ito ay baralin sa Bagumbayan. Sa ngayon wala na rito ang kanyang labi,Ito ay nasa Luneta na. Ngunit nilagyan padin ito ng historical marker upang maging tanda ng lugar na kanyang unang pinaglibingan. Nilagyan din ito ngayon ng kanyang maliit na estatwa.

Nakakabilib tingnan ang desinyo ng sementeryo na may simbahan sa loob na gawa noong panahon ng mga kastila at ngayon naging isa na itong pook pasyalan. Medyo hindi na nga lang masyadong nalilinis ang lugar ngunit maganda padin. 



Aral na nakuha mula sa Paglalakbay-Aral.
Masasabi kong naging masaya ang ginawa naming paglalakbay-aral. Dahil hindi lamang kami nagkaroon ng pagkakataon upang mamasyal,nagkaroon din kami ng pagkakataon na makakuha ng dagdag kaalaman. At mas nakilala pa naming mabuti kung sino talaga ang ating pambansang bayani.

Nalaman namin ang mga lugar na may kinalaman kay Dr. Jose Rizal at kung ano ang nangyari sakanya sa mga lugar na 'yun sa panahon ng pananakop ng mga kastila sa ating bansa. Mga lugar na aking nababasa lamang sa mga libro at binubuo sa aking isipan kung ano ang itsura ng mga iyon.


Sana ang mga lugar na aming napuntahan ay mas maalagaan pang mabuti, sapagkat ito ay kayamanan ng ating bansa at sumasalamin kung anong klase ng tao ang mga Pilipino noon at sa kasalukuyang henerasyon.


Hitik sa kasaysayan ang Pilipinas na talaga namang kahanga hanga. Kung pano tayo lumaban mula sa pagkaalipin. Na dapat isapuso at ingatan ng bawat Pilipino.




























1 komento:

  1. Avant-Winning Slots - Atlantic City - UrbanIsarMeftis
    Discover the antonisarmeftis.com thrill 배팅 of 마추 자 먹튀 playing casino 포커 디펜스 slots on the 딥 슬롯 트위터 go in the comfort of your own home.

    TumugonBurahin